You are on page 1of 1

Mahal kong Ama,

Kamusta ka na? Halos isang taon na rin ang lumipas mula ng huli kong nasilayan ang iyong mga ngiti at narinig ang iyong mga kwentong labis naming kinababagutang pakinggan noon. Isang taon na ring walang nag-aabang sa akin tuwing ako ay ginagabi ng uwi at halos labingdalawang buwan na ring walang kumakatok sa aking pintuan para sabihing huli na ako sa pang-umaga kong klase. Ang dami kong naaalala, ang dami kong pinangungulilaan. Natatandaan ko pa noong maliit pa ako, isinasakay mo ako sa iyong bisekleta at ipinapasyal mo ako sa kung saan-saan?Galang gala tayo noon. Tapos tuwing wala si Nanay, ikaw ang palaging nagbabantay sa akin. At noong nagsimula na akong mag-aral, ikaw naman ang numero unong tagahanga ko. Natatawa nga ako tuwing nalalaman ko na kahit kanino ibinibida mo ang apo mong si Ikay. Mahal na mahal mo talaga ako. Mahal na mahal mo kaming mga apo mo. Ama...oo nga pala, isang taon na lang magtatapos na ako sa kolehiyo. Ang galing no? Kita mo naman hindi kita binigo. Alam ko ito rin ang pangarap mo para sa akin tama ba? Nais mo akong makita na magmartsa at umakyat sa entablado habang nakatoga at may hawak na diploma. Malapit nap o iyon! Pero Ama, nagtatampo talaga ako. Hindi mo na kasi ako nahintay. Gustong-gusto pa naman kitang ibili ng Crispy Pata sa unang sweldo ko at ng bagong bisikleta sa unang bonus ko. Nais kong ibalik sa iyo lahat ng mga mabubuting bagay na ginawa mo para sa akin at sa aming lahat. Gusto pa sana kita makasama. Ang dami pang mga mahahalagang okasyon ang nais kong maganap na kasama ka... gusto kong makita mo na hindi ka nagkamali sa pagpapalaki sa akin. Ama, ang dami dami ko pang gusting sabihin..kaso huli na. Sa ngayon, sa mga larawan na lang kita nakikita at sa mga magagandang panaginip ko sa gabi. Siguro bitin pa rin iyon dahil sa totoo lang, gustong gusto kitang yakapin ng mahigpit. Ama, mahal na mahal kita... Hayaan mo, magkikita rin tayo at pagdating ng araw na iyon alam kong wala ng makapaghihiwalay sa atin dahil kasama na natin ang Panginoon.

Nagmamahal: Ikay

You might also like