Professional Documents
Culture Documents
7 MILYON taon sa nakaraan, nagsimulang mabuo ang Luzon, ang naging ikatlong
kaharian sa Pilipinas, nang nagputukan ang mga bulkan at unti-unting umahon sa
dagat ang mga bundukin na naging 2 braso ng Luzon - ang Zambales sa kaliwa, sa
gilid ng dagat ng timog China [South China Sea] , at ang bundoking Cordillera sa
kanan, abot mula Ilocos hanggang dulo ng Bicol, sa tabi ng Pacific Ocean. Sa
pagitan dati ay dagat, bagtas mula sa Lingayen Gulf hanggang Manila Bay. Sumulpot
sa gitna ng hiwa ng dagat na ito ang bulkan ng Arayat. Sa loob ng libu-libong
taon, pinuno ng ligwak ng mga bulkan at dausdos ng lupa mula sa 2 bundukin at ang
hiwang dagat ay naging dalampasigan, tapos ay naging putikan, hanggang lubusang
natakpan na ng lupa at naging malawak na kalatagang tinatawag ngayong Gitnaang
Luzon [Central Luzon]. Kung kailan lamang napuno ang hiwa, may mga magdaragat na
sa Luzon na namangka mula Manila hanggang Lingayen tuwing nagbaha sa tag-ulan.
Maraming ulat ng kung saan nagmula ang mga magdaragat, - sa China, Vietnam,
Thailand, Malaysia, Borneo, Sumatra. Hindi matunton kung ang mga Naga, mga pugot-
ulo [headhunters] sa hilagang India, ay nagmula o pinagmulan ng mga Ifugao,
kahawig nila sa anyo at gawi. May isang hayag na marami sa mga magdaragat ay
galing sa pook ng Malang sa Gitnaang Java, isa sa malalaking pulo ng Indonesia mga
2,300 taon SN, at namahay sa mga dalampasigan ng Luzon mula Manila hanggang
Cagayan, sa hilaga. Hayag din na ilang pangkat ang lumikas sa nawawasak na
kaharian ng Majapahit sa Java, Indonesia, mula nuong 1335 hanggang 1400, at
nanirahan din sa Luzon sa ilalim ng isang makapangyarihang 'Principe Balagtas'.
Sa namagitang 3,700 taon, ang mga magdaragat na nagsidanak, at ang mga tao na
dinatnan nila, ay naging mga Kapampangan, Ilocano, Pangasinense, Tagalog at
Bicolano. Mga magdaragat na sinakop at ginawang pusod ng ikatlong kaharian sa
Pilipinas.
Kapampangan Mula Sumatra
O caca, o caca, San Fernando't Wawa
Betis at Baculud sacup ning Menila
- Awit Kapampangan
"Iyan bang tandang ay tagarito o ligaw?" ang sagot ng ama, nais malaman kung taga-
labas o dayuhan ang nanliligaw. Nuon lamang sasabihin ng namamanhikan kung sino
ang nanliligaw sa anak na dalaga. At kung payag lamang ang ama ibibigay ng
namamanhikan ang manok.
Ang kasal, kapag nagkatuluyan, ay bulagsa at magastos. Lahat ng kamag-anak at
kaibigan ay dumadalo at palakihan ng handog habang nagsasayaw ang mga bagong-
kasal, upang makapagsimula ang mga ito nang mainam sa pamumuhay. Kapag nabuntis
ang babae, pinagbabawalang kumain ng maitim na pagkain at magiging maitim din ang
balat ng sanggol!
Gaya sa mga Igorot, matagal ang lamay at pagluksa kapag may namatay. Gumamit sa
Ilocos ng mga tagapanaghoy upang ngumalngal sa tabi ng kabaong at umawit ng dung
aw, ang pagdurusa ng pamilya at ang kagitingan ng namatay. May hayag na kapag may
nakita lamang na itim na paruparo nalalaman na yumao na nga ang kaluluwa ng
namatay at naaari nang tapusin ang pagluluksa. Inililibing nuon ang bangkay at
naghuhugas sa ilog ang mga kamag-anak upang mahugasan na ang kanilang dalamhati.
Si Namarsua ang lumikha sa sansinukob, na nililipana ng mga espiritu o mga
kaluluwang namamahay sa mga punong-kahoy, sa lupa at sa lahat ng bagay sa pali-
paligid. Paniwala ng mga Ilocano na kapag ginalit ang mga kaluluwa, na
makakatuwaan sila, magkakasakit at mamamatay. Kapag nangyari ito, nagdaraos ang
mag-anak ng maysakit ng atang, pinamumunuan ng mang lolualo, kakatay ng baboy na
puti, ang kalahati ay inaalay sa pook na "kinatuwaan", ang kalahati ay nananatili
sa bahay ng maysakit habang nagdarasal ang mga mag-anak at nananawagan ang mang
lolualo sa mga espiritu.
Palagi nang lumilikas ang mga Ilocano mula pa nuong unang panahon, lalo na kung
panahon ng pagtatanim o pag-aani, upang maghanap-buhay sa mga ibang pook. Mainit
ang araw at tuyo ang lupa sa Ilocos kaya kinailangan ang dagdag na kita sa mga
masaganang lupain sa timog, lalo na nang lumawak ang mga taniman ng palay sa
Gitnaang Luzon sa pagdami ng mga Pangasinense at mga Kapampangan. Marami ang mga
pamilya na lumikas mula sa Ilocos upang manggawa sa ibang pook ang tuluyan nang
nanirahan duon at hindi na nagbalik sa kanilang baranggay.
Ang pangulo ng pamilya ay ang ama, munti lamang ang kapangyarihan ng ina, at katu-
katulong lamang sa paghanap-buhay at pagpalaki sa mga anak. Hindi nag-angkan-
angkan gaya ng mga Kapampangan, waring ang ikabubuti ng pamilya ang gabay sa mga
gawain at pagkakaisa ng mga pasiya [consensus] ng mga Ilocano. Ang tulong-tulungan
ay gawa rin ng mga unang Ilocano sa labas ng pamilya, sama-sama ang mga lalaki sa
pangingisda o pangangahoy sa gubat, sama-sama rin ang mga babae sa pag-ani ng mga
pananim sa bukid at kaingin sa gulod. Ang lahat ng nahuli at na-ani ay binabahagi
sa lahat ng magkakasama, kaya malapit ang ugnayan ng mga taga-baranggay, karamihan
ay magkakamag-anak, at napagpapantay ang pagkakaiba ng katayuan at yaman ng iba't
ibang pamilya. Pantay-pantayan din ang bahagian ng lupang sinasaka at tinataniman
ng mga pamilya, at ang lahat ay naaaring gumamit ng mga lupa sa gulod. Sa tagal ng
panahon, ang mga walang muwang sa pamumuhay ay nasasadlak sa utang at hirap habang
sumasagana ang
mga masinop at matalino, kaya nagkaroon ng 3 sapin ang lipunan ng mga Ilocano:
Babacnang, ang mga mayaman at tinitingala sa baranggay
Cailianes, ang mga timawa o karaniwang tao
Adipen, ang mga alipin
Naaaring bilhin o ilako ang mga adipen ngunit karaniwang bigayan at tulungan ang
ugnayan ng mga taga-baranggay. Ang pagsasalu-salo ay ginagawa sa mga pagdiriwang,
tulung-tulong ang mga mayaman sa pagpakain sa lahat. Nagtulungan din sila sa mga
gawain sa bukid at sa pagkumpuni ng mga bahay sa baranggay. Walang hayag na
nagkaroon ng datu sa Ilocos nuong unang panahon, ngunit sa gawi nilang tulungan at
pag-iisa sa mga ikabubuti ng mga pamilya, naaaring namuhay sila nang mapayapa
kahit walang naghahari.
Pang-asinan
Malinak lay labi, Oras lay mareen
Mapalpalnay dagem, Katekep toy linaew
Samit day kugip ko, Binangonan kon tampol
Lapud say linggas mo, Sikan-sikay amamayoen
- Awit ng Pangasinan
Tahak Ng Tagalog
Mahirap nang makita ngayon ang mga taal na Tagalog, kailangang magtungo na sa mga
tagung
baranggay o bukid sa liblib upang makatagpo ng mga tinatawag na mga lumang tao
- Grace P. Odal, professor sa University of the Philippines
PAULIT-ULIT ang dating sa Luzon ng mga Tagalog, matagal, kulang-kulang 4,000 taon,
masigla, namahay sa Manila, panay ang gala, saan nagmula, marami ang hula, Borneo
ay sapantaha, Malaysia ang panukala, Indonesia ang iba. Ang iba ay may datu, ang
iba ay wala. Ang iba ay pinamunuan ng maharlika, ang iba, ng mga magiting, ang iba
pa, ng matatanda.
Sino ba sila?
Mga taga-ilog [river dwellers] ang alam ng marami. Ang "alog", sabi ni H. Otley
Beyer, nag-agham sa kasaysayan [historian] ng Pilipinas, ay mababaw na bahagi ng
ilog na maaaring tawirin nang lakad ng mga taga-alog. Ang "alog" ay lupang
nagiging putikan pagkatapos ng ulan, sabi sa Pampanga, ang lupang nais ng mga
taong alog dahil mainam taniman ng palay. Mga taong lawa ang tawag sa mga
taganayon ng Bay sa tabi ng Lawa, ang dating pangalan ng Laguna de Bay. Mga ta-al
ang taong dinatnan ng mga Espanyol sa Bombon, ngayon ay tinatawag na Taal, ngunit
dating binigkas na TA^ al, katunog ng - Tag-al ang mga iyan, sabi ng mga Amerkano
nang unang marinig ang tawag ng mga taga-Rizal [dating lalawigan ng Morong] sa
sarili. Hanggang kailan lamang, Ta-al ang tawag sa matatas sa "malalim" na
Tagalog, ang sinabi ni Professor Odal na sa liblib na lamang natatagpuan ngayon.
Ilan ang wikang Tagalog?
Tatlo, sabi ni Grace P. Odal ng University of the Philippines. Ang una, sa hilaga,
ang mga taga-Bulacan, Nueva Ecija, Bataan at bahagi ng Tarlac at Zambales. Nahalo
sa mga Kapampangan, Ilocano at mga Aeta. Ang pang-2, sa timog, ay mga taga-Rizal,
Cavite, Laguna, Batangas, Quezon, at maraming bahagi ng Mindoro, Marinduque at
Romblon. Dati, pati Palawan. Nahalo sa mga Ilocano, Ibanag at iba pang taga-
silangang hilaga. Sa timog, nahalo sa mga Bicolano, Visaya at iba pang pangkat na
may kaibang wika. Ang pang-3 Tagalog daw ay ang mga taga-Metro Manila at pali-
paligid [suburbs] na bahagi ng Rizal. Pusod ng bayan, himpilan ng pamahalaan,
tungo ng lahat ng tagapulo, nahalo sa lahat-lahat.
Panay ang gala. Ang mga tag-gala.
Kumalat na sa Visayas at Mindanao, kaya mabilis na nagiging pang-sankapuluang tao
ang Tagalog, sabi ni Odal. May mga taga-Manila sa Cebu na dinatnan ni Miguel de
Legazpi at isinama ni Martin de Goiti papunta kay Rajah Suliman bilang
tagapagsalita [interpreter]. Ang pag-danak ng mga Tagalog sa Visaya at Mindanao ay
pagpapatuloy lamang ng paglalakbay ng mga Tagalog mula pa nuong mahigit 3,700 taon
SN, nang lumikas ang mga Magdaragat mula Sumatra, sa Indonesia, upang takasan ang
kaharian duon ng Sri Vijaya, mula sa Java, sa Indonesia rin, upang takasan ang
sumunod na kaharian ng Majapahit, at mula sa Malaysia upang takasan ang kaharian
ng Malacca.
Dagdag ng mga nag-agham sa unang panahon [prehistory], marami sa mga pangkat na
dumating ay nakatagpo ng mga tatag nang bara-baranggay sa bukana at pampang ng mga
ilog Pasig, Bombon o Taal at Bulacan [o kung anuman ang pangalan ng ilog na iyon
nuong unang panahon], at nakibagay at nakisama na lamang. Hanggang, sa libu-libong
taon, ang Tagalog ang naging kapwa dumating at ang dinatnan.
Napakahaba, napakahiwaga at napakarami ang salaysay ng mga Tagalog upang
talakaying lahat, kaya silip na lamang sa 2 bahagi ng katagalugan ang sisipatin
upang maunawaan ang mga taong namahay sa Gitnaang Luzon nuong unang panahon, -
isang pook sa Bulacan sa hilaga at isang pook sa Laguna sa timog.
Tatlong Bayani, sina Baltog, Handyong at si Bantong, ang dumating upang lupigin
ang mga halimaw na sumisindak sa Ybalon. Katulong ang isang sawa, si Uryol,
taksil at may alindog na nakakabaliw kapag nag-aanyong kaakit-akit na dalaga...
- Alamat ng Ybalon, bago dumating ang mga Espanyol
MAGANDA ang kahulugan ng Magayon, ang bulkan na naging giliw at dalamhati ng mga
Bicolano sa Ybalon, ang lumang pangalan ng Bicol sa dulong timog ng Luzon.
Maraming maaaring pinanggalingan ang mga pangalan duon: Mula sa Bico, ang ilog na
luwa sa San Miguel Bay; mula sa kawayang tinatawag na bikul; o mula sa bikod o
pilipit. Ybalon, ang pangalang dinatnan ng mga Espanyol ay maaaring galing sa
Ybalio o ibayo, ang kabilang panig ng ilog; sa ibalon o mga taga-ibayo; sa Gibal-
ong, sitio sa Magallanes, Sorsogon, na unang dinaungan ng mga Espanyol nuong 1567.
Tinawag ding Los Camarines ang buong pook ng mga Espanyol dahil sa nakita nilang
mga kamalig sa Camalig, Albay, nuong 1572.
Isa lamang ang pinanggalingan ng Magayon, isang napakagandang dalaga na pinalaki
ng mahigpit na tio na laging mainit ang ulo, ngunit pilit niligawan si Magayon ng
isang mapusok na binata na umakyat sa bintana at itinanan siya. Habol ang
humihiyaw na tio at, sa takot, nanalangin ang 2 nagtatanan kay Bathala at himala!
Bumulwak ang lupa at natabunan ng bundok ang galit na tio. Hanggang ngayon,
sumasabog ang poot nito sa loob ng bundok na naging bulkan.
Naglipana mula Camarines Sur hanggang Sorsogon ang mga Aeta na unang katutubo sa
Bicol. May mga baranggay nang dinatnan ang mga Espanyol na kasama ni Miguel de
Legazpi nuong 1569 na nag-ulat ng tapang ng mga tagaruon sa digmaan, sa pamumuno
ng kanilang mga datu at mga magiting laban sa mga mandarambong. Walang hilig sa
politica ang mga Bicolano nuon, at walang pamahalaan na malaki pa kaysa sa
baranggay. Nangingisda at nagtatanim ng palay, camote, gabi, niyog, abaca at
kalamansi, itinatayo ng mga taga-Bicol ang kanilang mga kubo sa itaas ng mga
punung-kahoy upang makaiwas sa mga hanip at sa init ng araw. Gaya ni Magayon,
dating mga katangian ang ginagamit na pangalan ng mga unang Bicolano.
Mahilig sila sa patotodon o bugtungan, sa arawiga o mga kasabihan, at sa mga awit
tungkol sa mga magiting na tinawag nilang orog-orog o susuman, at sa mga tulaan
kasabay sa inuman na tinawag nilang tigsik, kangsin o abatayo.
Religioso, mahilig sila sa mga anting-anting at pamahiin at naniniwala sila sa mga
mahiwaga. "Tabi po, maki-agi po!" ang pasintabi nila sa mga nuno sa punso.
Sagurang ang pag-alay nila ng pagkain sa mga ninuno tuwing pagka-ani. Karaniwang
saliw sa sayaw ang kanilang pananampalataya gaya ng pagsayaw ng tarok habang
ginaganap ang atang, at ang pagsamba ng mga babae kay Haliya, ang diyosa ng buwan.
Ang baliana, ang babaing pari sa baranggay, ang nagsasayaw habang nananawagan kay
Gugurang, ang diyos ng kabutihan. Ang mga bata ang sumasayaw ng tuatarok tuwing
may kasayahan sa baranggay.