Professional Documents
Culture Documents
Isinumete ni:
Anareta, Alyssa
Isinumete kay:
Pebrero 2019
PAGBABA NG CRIMINAL AGE LIABILITY SA 9 NA TAONG GULANG
Mayroong bayani na minsang nagpahayag na “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Ang
kinabukasan ay nakasalalay sa kanila sapagkat sa kalaunan ay sila naman ang mamumuno sa ating
bansa. Kaya naman ang gabay at pangaral ng mga nakatatanda ay lubos-lubos nang sila ay lumaki
ng mayroong mabuting prinsipyo at pananaw sa buhay. Sa ganitong paraan, maipapasa nila sa
susunod na henerasyon ang mga aral na kanilang natutunan at maging mabuting ehemplo sa
nakararami.
Ang ”Juvenile Justice and Welfare Act of 2006” ay ang unang batas na nagbibigay ng
malawakang proteksiyon sa mga karapatan ng mga kabataan sa ating bansa kung saan hindi
maaring ibilanggo ang mga batang may edad higit 15 taong gulang pero mababa sa 18 taong
gulang na hindi pa alam ang pagkakaiba ng tama sa mali. Ngunit sa panahon na ating kinalalagyan
ngayon, ang napapadalas na kaso sa Pilipinas ay ang pagkasangkot ng mga menor de edad sa
paggawa ng krimen. Hindi na rin bago sa ating pandinig tuwing napapabalita sa telebisyon o
maging sa radyo na mayroon nanamang menor de edad na nasangkot sa paggawa ng krimen.
Katuwiran ni Senate President Tito Sotto, na naghain sa Senate Bill 2026, maraming mga
sindikato ang umaabuso sa Juvenile Justice and Welfare Act dahil sa paggamit nila sa mga bata
para magsagawa ng mga krimen. Gayunpaman, batay sa tala ng Philippine National Police(PNP),
Syamnapu’t-walong porsyento ng mga naitalang krimen sa Pilipinas mula 2006 hanggang 2012
ay gawa ng mga matatanda at dalawang porsyento lamang ng kabuuang bilang ng krimen ang
kinasasangkutan ng mga bata na kung minsan ay ginagamit pa ng mga sindikato. Bagaman sinabi
ni Sotto na ang mga batang pananagutin ay ilalagay sa rehabilitation facilities, lubos tayong hindi
nakasisiguro na mayroong sapat na pondo upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga
bata sa loob ng pasilidad na ito. Wala ring sapat na bilang ang mga pasilidad na ito katulad ng
Bahay Pag-asa. Paano na lang ang mga bayan sa ating kapuluan na walang ganitong uri ng
pasilidad? Magreresulta ito na mapunta ang bata sa karaniwang bilangguan kasama ang mga
kriminal na siyang laking panganib para dito.
Hindi nararapat na makulong ang mga bata na nasa edad na 9 na taong gulang sapagkat
ito ay isang malaking hadlang upang makamit ng mga bata ang kanilang pangarap at magsisilbing
palatandaan na hindi pinapahalagahan ng bansang Pilipinas ang mga karapatan ng mga batang
Pilipino. Ang bilangguan ay hindi para sa mga bata, ang kanilang kaligtasan ay nanganganib sa
lugar na ito.
Hindi maaring bumoto, pumirma ng kontrata, magtrabaho o magpakasal ang batang nasa
edad na nasa siyam na taong gulang, ngunit ayon sa panukala ng Kongreso, maari na silang
makulong. Bilang isang Pilipino, nararapat lamang na tayo’y makiisa at makibahagi sa petisyon at
pag-kilos tungkol sa panukalang ito.
Totoo na iba na ang panahon ngayon. Ang kabataan na mistulang simbolo ng pagiging
inosente ay hindi na gaano naipapakita. Ngunit nararapat ba na isisi sa kanila ang kanilang ginawa
kung ang kaligiran na kanilang kinalakhan ay hindi rin naman nakabubuti sa kanila. Sila ay siya rin
namang biktima sa nangyari. Ang Juvenile Justice and Welfare Act ay hindi nararapat baguhin,
bagkus, ito ay dapat pagtibayin.