You are on page 1of 2

Lanuza, Allen Lois Y.

STM 302

APOY NG KANDILA

Mga ilaw ng poste ang nagsisilbing liwanag sa kahabaan ng kalye. Ang mga yabag lamang
ng aking mga paa ang maririnig sa gitna ng nakabibinging katahimikan. Habang binabaybay ko
ang kalsada, hindi ko maintindihan kung bakit kakaiba ang mga bahay na aking dinaraanan. May
nakalagay na ‘Brgy. 160’ sa bawat gate na aking nilalampasan. “Hindi ako tagarito,” bulong ko sa
sarili. Natatakot ako. Naliligaw ako.
Binasag ng mga nagkukumpulang mga tao ang katahimikan sa paligid. Patakbo kong
linapitan ang mga tao upang masaksihan kung ano ang kanilang pinagkakaguluhan. Muntik na
akong himatayin dahil sa nasaksihan ng aking mga mata. Isang inosenteng binatilyo –
nakahandusay sa kalye at binabalot ng natuyo nitong dugo.
“Hindi siya drug addict! Bata pa ‘yan Jonas! Inosente!”
“Wala naman akong sinasabing drug addict! Ang sinabi ko napatay ng mga pulis dahil sa
drug operation! Matuto ka rin dapat makipag-usap ng mahinahon Joaquin!”
“Tumahimik ka nga! Isa ka lang hamak na ilusyon at walang kalayaan!”
“Hindi ako ilusyon! First of all I’m a character! Pero hindi pa nasusulat ang kwento ko.”
Napalingon ako sa pinaggagalingan ng mga nagtatalong tinig. Si Joaquin at si Jonas,
dalawang lalaking pilit na pinapaalala sa akin ang kanilang pagkatao. Nakilala ko na sila, subalit
hindi ko mawari kung saan.
“Kian ang pangalan niya. Pinahawak siya ng baril at sinabihang paputukin ito. Pagkatapos,
siya naman ang tinambangan.” Isang binatang lalaki ang marahang lumapit sa amin.
“Nariyan ka na pala Larry! Akala ko pumunta ka na naman sa Araby eh.” wika ni Jonas sa
tonong may kabalintunaan.
“Jonas, ibinaon ko na iyon sa limot. Dahil doon natuto akong maging maingat sa pagtuklas
ng ninanais ng puso ko.” mahinahong tugon ni Larry.
“Bakit naman ang binatang iyan?” Hindi ko namalayan na kusang bumukas at nagbitiw ng
mga salita ang aking mga labi. “Nais lamang ng puso niyang mamuhay tulad ng normal na
kabataan. Mali ba iyon? Mali bang tuklasin iyon?”.
Matamang akong tiningnan ni Larry, Jonas, at Joaquin. Dahan – dahang lumapit sa akin
si Larry hanggang sa limang pulgada na lamang ang lapit namin sa isa’t – isa.
Lanuza, Allen Lois Y. STM 302

“Pero si Kian, pinatay siya! Pinatay ang ang nais ng puso niyang maging normal na
kabataan. Pinatay ang inosente at walang muang niyang puso.”. Mababakas sa mga mukha niya
ang galit at awa.
Hindi ako nakapagsalita sa mga binitiwan niyang pahayag.
“Pareho kayo ng mga pulis! Pareho kayong pumatay. Pumatay ng kamalayan. Pumatay ng
kamusmusan. Pareho kayo! Parehong mamamatay!”
Mahihinuha na wala talaga sa ulirat si Joaquin dahil sa kanyang mga pinagsasabi, subalit,
lahat ng sinasabi niya ay may laman. Lahat tumatagos sa akin.
“Ngunit ikaw, pinatay mo ang sarili mo. Hindi mo ba naalala ang mga panahong sinindihan
mo ang kandila upang tuklasin ang isang bagay na hindi naman dapat? Dahil sa curiosity mo hindi
mo namalayang pinapatay mo na ang sarili mo.”. Hindi pa rin naaalis sa mga mukha ni Larry ang
galit.
“Kandila? Curiosity? Wala akong alam sa sinasabi mo!”
“Mapagpanggap!”, kanyang pagpapatuloy. “Natutunaw ang kandila dahil sa apoy. Umiikli
ang buhay. Namamatay. Katulad mo, dahil sa apoy mo, pinatay mo ang sarili mo!”
Kumaripas ako ng takbo palayo sa kanila. Habang tumatakbo, naririnig ko ang
pagmamakaawa at inosenteng boses ng binatang pinaslang ng mga pulis. Nakikita ko rin ang isang
sanggol na hinihele at niyayakap ng kanyang ina.
Napahinto ako sa pagtakbo nang makarating sa isang sementeryo. Lumapit ako sa isang
puntod. Nakita ko sa lapida ang aking pangalan at aking larawan noong ako ay twelve years old
pa lamang. Bukod dito, nakatirik din sa lapida ang isang puting kandila.
“Siya. Alam naming kilala mo siya. Pinatay mo siya.”
Muli kong narinig ang mga boses ng mga lalaking aking kausap kanina subalit hindi ko na
sila nakita pa. Umalingawngaw ang aking malakas na hagulgol sa buong lugar.
Biglang nag – alarm ang aking cellphone. Bigla akong nagising at napabalikwas sa aking
higaan dahil sa lakas nito. Tumatagaktak ang aking pawis sa aking mukha at dibdib. Pinagmasdan
ko ang paligid. Nasa kwarto lamang ako. Wala na ang mga lalaki. Wala na ang bangkay ng
inosenteng binatilyo. Wala na rin ang kandila. Ang kandilang unti – unting tinutunaw ng init ng
apoy.

You might also like